Mabilis na nakalusot sa committee level ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment nina Executive Secretary Lucas Bersamin at Finance Secretary Benjamin Diokno.
Parehong walang oposisyon mula sa mga miyembro ng CA panel ang dalawang opisyal ng gobyerno.
Dahil lusot na sa komite ay plenary confirmation na lamang ang hihintayin nina Bersamin at Diokno ngayong hapon.
Si Bersamin ay 36 na taong nagsilbi sa pamahalaan kung saan ang 33 taon dito ay inilaan niya sa hudikatura.
Naging ika-25 Chief Justice ng bansa si Bersamin mula 2018 hanggang 2019 at nagsilbing GSIS Board of Trustees Chairman noong 2020.
Kabilang sa mga pangunahing naitanong kay Bersamin ang patungkol sa kontrobersyal na Sugar Order No. 4 at ang posisyon ng pangulo sa pagtatalaga na ng mga kalihim sa Department of Health at Department of Agriculture.
Si Diokno naman ay nagsilbi sa pamahalaan mula 1998 kung saan dalawang beses na itong naging Budget Secretary, naging governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ngayon ay kalihim ng Finance Department.
Kabilang sa mga naitanong sa kalihim ang non-disclosure agreement sa pagbili noon ng COVID-19 vaccines, ekonomiya, mga POGO sa bansa, legalidad ng ‘for later release’ o FLRs, at Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Tiniyak naman ni Diokno ang pagbibigay ng maayos at tapat na pagseserbisyo sa taumbayan sa abot ng kanyang makakaya.