Ipinagamit ng isang pribadong unibersidad sa lungsod ng Maynila ang kanilang mga pasilidad para makatulong nagpapatuloy COVID-19 mass vaccination program ng lokal na pamahalaan.
Partikular na nagboluntaryong ipagamit ng Adamson University ang kanilang pasilidad kung saan nasa 2,000 hanggang 3,000 doses ng bakuna ang inilaan para sa naturang vaccination program.
Ilan sa mga nabakunahan o target na mabakunahan ay mga estudyante at empleyado ng nasabing unibersidad, kasama na rin ang mga walk-in.
Maging ang ilang tauhan ng Chamber of Customs Brokers Inc. ay pumila na rin kung saan sumulat pa sila sa tanggapan ni Mayor Isko Moreno upang hilingin na sila ay mabakunahan na rin kontra COVID-19.
Nabatid na pumayag ang pamunuan ng Adamson para makatulong at maging mabilis na rin ang ginagawang pagbabakuna ng Manila LGU.
Ang ginagawang pagbabakuna ay para sa mga A1 hanggang A5 category para sa mga residente at hindi residente ng lungsod ng Maynila.