Hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa mga mall operator na i-adjust ang kanilang operating hour upang maibsan ang mabigat na trapiko ngayong holiday season.
Ginawa ang panawagan ni MMDA Chairman Romando Artes kasunod ng isinagawang nilang pagpupulong ngayong araw kasama ng mga mall operator at utility companies sa Metro Manila.
Kabilang sa panawagan ng MMDA sa mga mall operator na iurong ng alas-11 ng umaga ang pagbubukas ng kanilang operasyon at i-extend ang closing hour.
Layon nitong may mapuntahan ang mga kababayan natin na nais umiwas sa rush hour o makapag-last minute shopping.
Nanawagan din sila sa mga mall na gawing alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga ang deliveries maliban lamang sa mga naghahatid ng perishable goods.
Nanawagan din ang MMDA sa mga mall operator huwag munang magpatupad ng mallwide sale gayundin ang pagsusumite ng kanilang traffic management plan para makatulong sila sa pagsasaayos ng trapiko lalo na sa mga kalsada malapit sa mga mall.
Nais masimulan ng MMDa ang mga adjustment sa operasyon ng mga mall mula November 18 hanggang December 25 ng hatinggabi.