Administrasyong Marcos, dapat may patunayan muna bago i-claim ang kahulugan ng bagong government slogan na ‘Bagong Pilipinas’

Hinamon ni Senator Risa Hontiveros ang administrasyong Marcos na patunayan muna ang pagkakaroon ng maprinsipyo, may pananagutan at maasahang pamahalaan bago i-claim ang governance slogan na “Bagong Pilipinas”.

Ayon kay Hontiveros, masyado pang maaga para masabi na taglay na ng pamahalaan ang kahulugan ng bagong slogan lalo’t sa unang taon ng pamamahala ni Pangulong Bongbong Marcos ay ‘incomplete’ ang grado nito.

Sinabi ni Hontiveros na hindi naman niya pinipigilan ang gobyerno na magkaroon ng slogan pero para sa kanya ay dapat maging makatotohanan naman ito dahil mistulang puro pangako pa lang ang pamahalaan pero kulang na kulang pa sa pagtupad ng mga programa at proyekto.


Giit pa ng mambabatas, ang “Bagong Pilipinas” slogan ay mistulang kawangis ng “Bagong Lipunan” na slogan naman ng dating administrasyong Ferdinand E. Marcos na ang naiwang legacy ay paglabag sa karapatang pantao at mga pandarambong sa pamahalaan.

Dagdag pa ni Hontiveros, hindi slogan ang kailangan ng gobyerno kundi ang malinaw na paglalatag ng mga plano at mga hakbang sa bawat departamento para tugunan ang mga urgent na isyu ng bansa.

Hirit pa ng senadora, kung magre-rebranding ang pamahalaan ay dapat na i-timing ito nang maayos kung saan talagang may makikitang pagbabago ang mga Pilipino.

Facebook Comments