Administrasyong Marcos Jr., posibleng hindi mapondohan ang priority projects nito sa unang anim na buwan ng panunungkulan

Ibinabala ng isang mambabatas na ang paparating na administrasyon ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay hindi mapondohan ang priority projects nito.

Ayon kay Albay 1st District Representative Edcel Lagman, na-disburse na ang 90% ng 2022 national budget ng papalabas na Duterte administrasyon.

Bunsod ito ng mga Bayanihan Law na pinirmahan ng Pangulong Duterte noong 2020 na narealign sa budget ng kasalukuyang taon.


Dagdag pa nito, sa paglabas ng 90% ng budget, masisiguro na ang mga proyekto ng kasalukuyang administrasyon ay maipagpapatuloy ngayong taon ngunit tila mapagkakaitan ng kakailangang pondo ang paparating na administrasyon sa susunod na anim na buwan.

Kailangan aniyang maghanap o bumuo ng bagong pondo ang incoming administrasyon upang matugunan ang first six months ng kanilang pamamahala.

Mababatid na isinusulong ni House Majority Leader Martin Romualdez ang Bayan Bangon Muli (BBM) bill na layong bigyan ng pondo ang Marcos administration upang tugunan ang epekto ng pandemya.

Facebook Comments