Administrative complaint laban sa siyam na pulis na nakapatay sa apat na sundalo sa Sulu, ikinatuwa nina Sen. Hontiveros at Sen. Dela Rosa

Welcome development para kina Senators Risa Hontiveros at Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagsasampa ng administrative charges laban sa siyam na pulis na sangkot sa pagbaril at pagpatay sa apat na operatiba ng Philippine Army noong June 29 sa Jolo, Sulu.

Itinuturing ni Hontiveros ito bilang paunang hakbang sa pagbibigay ng hustisya, hindi lamang sa apat na sundalo, kundi sa 14 katao rin na nasawi sa kambal na pagpapasabog sa Jolo nitong August 24.

Tinukoy ni Hontiveros na malalim ang koneksyon ng dalawang insidente dahil may mga impormasyon na ang dalawang babaeng suicide bombers na subject ng surveillance ng apat na sundalo ay ang nasa likod ng bombing incident.


Giit ni Hontiveros, kailangan ang kumpleto at walang cover-up na imbestigasyon para malaman kung ano ang nangyari, sino ang may pakana at mapigilan ang ganitong klaseng karahasan sa hinaharap.

Diin naman ni Senator Dela Rosa, mandato ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng kasong administratibo batay sa resulta ng pagsisiyasat.

Giit pa ni Dela Rosa, na dating hepe ng PNP, dapat ay noon pa naisampa ang reklamo laban sa nabanggit na mga pulis.

Facebook Comments