Dadaan na sa dalawang stages ang mga estudyanteng nag-aasam na makapasok sa Philippine Science High School (PSHS).
Sa halip ng nakasanayang National Competitive Examination (NCE), ipapatupad ng PSHS ang Requirement for Admission, Criteria and Evaluation (RACE) bilang admission process para sa School Year 2021-2022 dahil sa patuloy na COVID-19 pandemic.
Ayon kay PSHS Executive Director Lilia Habacon, sa unang stage ng proseso ay kukuhanin ang predicted NCE grade ng aplikante na nakabase sa final grades sa Grade 5 Science at Math, at iba pang variable na mag-e-equalize at magle-level sa playing field.
Samantala, kapag pasok sa stage 1 ay pagagawan ng written essay sa halip na exam ang mga aplikanteng makapapasok sa ikalawang stage ng admission process.
Nasa 1,800 ang kabuuang quota sa 16 na campus ng PSHS at 2,880 aplikante ang iimbitahan para sa second screening.
Sa main campus sa Quezon City, 384 ang iimbitahang aplikante pero 240 naman ang quota.
Ang final score o iyong pinagsamang puntos ay nakabatay sa predicted NCE grade, rank at essay.
Sa Disyembre 11 ang deadline para sa mga aplikante mula sa private schools habang Disyembre 18 naman mula sa public schools.
Sa Pebrero, inaasahang ilalabas ang resulta ng mga nakapasa sa stage 1, habang Abril naman para sa stage 2.
Para sa eligible Grade 6 students na gustong maging “Pisay” scholar, bisitahin lamang ang nce.pshs.edu.ph para sa online application.