Pinatututukan ni Assistant Majority Leader at Rizal Rep. Juan Fidel Felipe Nograles sa Department of Health (DOH) ang “advantages” ng mga nabakunahan na ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Nograles, bagama’t nakatuon ang ahensya at mga healthcare worker sa pagkamit ng ‘herd immunity’ sa bansa, kapansin-pansin naman na marami sa mga kababayan ang hindi na sumipot para sa second dose ng bakuna at may ilang sarado talaga ang isip sa vaccination program ng pamahalaan.
Dahil dito, inirerekomenda ng kongresista na gawing sentro ng mensahe ang mga ‘practical advantages’ o mga makukuhang mabuti kapag nabakunahan.
Kung ito ang gagawin ng gobyerno ay tiyak na maraming tao ang makakaunawa sa tulong na maaaring ibigay ng vaccine sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Ilan aniya sa mga “practical advantages” na pwedeng pagtuunan kapag nakatanggap ng COVID-19 vaccine ay ang kabawasan sa pag-aalala na mabilis na mahawaan o maging malubha sakaling magkasakit.
Iminungkahi rin ng mambabatas na rebisahin ang mga polisiya at protocols para mas ma-highlight ng husto ang advantages ng COVID-19 vaccine tulad ng exemption sa curfew, paggamit sa vaccination card para mas mapadali ang pagbiyahe, at pagpayag sa mas marami pang physical activities para sa mga nakakumpleto na ng bakuna.