Cauayan City, Isabela-Muling isinailalim sa ‘calibrated lockdown’ ang Adventist Hospital sa Barangay Mabini, Santiago City simula alas-6:00 ngayong gabi (September 9) hanggang alas-9:00 ng gabi ng September 14.
Ito ay batay sa ipinalabas na Executive order no. 2020-09-04 na nilagdaan ni City Mayor Joseph Tan.
Nakapaloob sa kautusan na kinakailangan na sumunod ang pamunuan ng ospital na magsagawa ng RT-PCR test sa kanilang empleyado at sa iba pang posibleng nagkaroon ng exposure sa nagpositibong pasyente na si CV999 na isang health worker.
Matatandaang nagpositibo sa COVID-19 ang 61-anyos na lalaki mula sa nasabing barangay na isang health care worker.
Nabatid na walang kasaysayan ng pagbiyahe si CV999 subalit may kasalukuyan itong sakit na hypertension, nakaranas ng pananakit ng lalamunan, lagnat at ubo na nagsimula noong Setyembre 1.
Sumailalim ang pasyente sa pangangalaga ng Adventist Hospital Santiago City noong ika-5 ng Setyembre at agad na nakuhanan ng specimen sample kinabukasan, September 6.
Kasalukuyan naman na nagsasagawa ng contact tracing ang mga otoridad sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) si CV999 para sa atensyong medikal.