Iginiit ni AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na gamitin pantulong sa mga Pilipino na may sakit na psoriasis ang P340 million advertising budget nito ngayong taon.
Mungkahi ito ni Reyes sa PCSO makaraang lumabas sa survey ng Psoriasis Philippines (PsorPhil) na nahihirapan sa gastusin sa pagpapagamot ang karamihan sa mga Pilipino na may psoriasis.
Tinukoy ni Reyes na base sa survey, 37.1 percent sa respondents ay walang trabaho habang 52.3 percent ay kumikita ng mas mababa sa P20,000 kada buwan.
Binanggit din ni Reyes na base sa datos ng Department of Health ay umaabot na sa 1.8 million mga Pilipino ang apektado ng psoriasis na isang autoimmune condition kung saan inaatake ng immune system ang sariling katawan sa pamamagitan ng mamula-mulang skin patches.
Kaugnay nito ay inihain din ni Reyes ang House Bill 1106 o panukalang pagbuo ng National Integrated Program to Prevent and Cure Psoriasis na siyang titiyak na mabibigyan ng tulong at kailangang gamutan ang mga dinapuan ng naturang sakit.