Adviser ng NTF, ipinaliwanag ang kahalagahan ng pagpapauna sa pagbabakuna ng mas nakatatandang sakop ng A4 priority group

Uunahin muna ang nasa edad 40 hanggang 50 years old na kabilang sa A4 priority group na babakunahan.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Ted Herbosa medical adviser ng National Task Force Against COVID-19 na kumpara sa mas nakababata ay mas madaling tamaan ng sakit o mas vulnerable ang mas nakatatanda.

Sinabi pa nito na importante rin ang pag-se-segment ng nasa A4 priority group upang walang gulo o unahan sa pila.


Madami kasi aniya ang kabilang A4 category o ang mga economic driver.

Payo nito sa mga mas nakakabata na kabahagi ng A4 priority group na maghintay na lamang dahil parating naman na ang bulto ng suplay ng bakuna sa bansa.

Giit pa ni Dr. Herbosa, importanteng mabigyan agad ng proteksyon ang mga vulnerable sa lipunan ng sa ganun kapag kinapitan ang mga ito ng virus ay hindi mauuwi sa severe case o kamatayan.

Sa pinakahuling resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) inaprubahan nito ang mas pinasimpleng listahan ng Priority Group A4 ng COVID-19 Immunization Program.

Kabilang dito ay mga private sector worker na kinakailangang physically present sa kanilang designated workplace, government employees kasama ang mga kawani ng Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC) at Local Government Units (LGUs); gayundin ang mga informal sector worker, self-employed at private households.

Facebook Comments