Nagsauli ng napulot na sobre na may lamang $1000 or P51,000 ang isang Aeta na nagtrarabaho bilang utility worker sa Clark International Airport.
Kuwento ni Grace Laxamana, pasado alas-dos ng hapon noong Linggo nang makita niya ang naiwang sobre sa mga upuan habang naka-duty sa ikalawang palapag ng international departure. Naglalaman ito ng sampung pirasong $100 bills.
Inakala din niyang play money ang mga nakuhang pera at agad ibinigay sa mga airport officers. Nang siyasatin ng isang opisyales, nadiskubre nilang tunay pala ang mga salapi.
Sa kuha ng CCTV, namataang nahulog ng isang pasahero ang naturang sobre habang pasakay ng Cebu Pacific flight 5371 patungong Singapore.
Pinuri naman ng pamunuan ng Clark International Airport si Laxamana dahil sa ipinamalas na katapatan.
“We’re proud of what Ms. Laxamana did. Her honesty is even more apparent since what she found was an untraceable envelope. Her good deed is truly worthy of emulation by all airport employees,” ani Jaime Melo, presidente ng Clark International Airport Corp. (CIAC).
Ayon kay Melo, dineposito ang pera sa lost-and-found area at puwedeng kunin ng may-ari anumang oras.
Taong 2006 nang magsimula magtrabaho si Laxama bilang janitress sa Clark Airport.