Pinaliwanag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring tanggapin ng Pilipinas ang mga Afghan refugee at iba pang indibidwal na nakararanas ng panggigipit o persecution sa kanilang bansa.
Ayon kay Guevarra, may sinusunod na open-arms policy ang Pilipinas sa mga usapin na refugees at iba pang indibidwal na dumaranas ng pagpapahirap sa kanilang mga bansa.
Paliwanag ng kalihim na kabilang aniya rito ang mga Afghan refugees na napwersang umalis sa kanilang bansa dahil sa kasalukuyang gulo dulot ng pulitika.
Dagdag pa ng opisyal na kung ang status ng mga refugee ay kinikilala ng tanggapan ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) at kung nangangailangan sila ng pansamantalang matutuluyan o tirahan sa Pilipinas, mayroon aniyang Emergency Transit Mechanism (ETM) na nakalatag.
Giit ng kalihim, ang ETM ay alinsunod sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng bansa sa UNHCR.
Kung ang Afghan nationals ay dumating sa Pilipinas at nag-apply para sa permanenteng status bilang refugees, pag-aaralan aniya ng Department of Justice (DOJ) Refugees and Stateless Persons Unit (RSPPU) ang aplikasyon kung tumutugon sa international standards ng refugee status.
Kung kinakailangan, aatasan ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na tukuyin kung ang aplikante ay banta sa seguridad.
Sinabi rin ng kalihim na walang limitasyon o specific quota sa bilang ng tatanggaping refugees, at wala ring tiyak na kautusan kung sino ang bibigyan ng refugee status.
Sa sandaling mabigyan na ng refugee status, ang refugee at ang kaniyang pamilya ay malaya na, ngunit iginiit ng kalihim na maaaring palawigin ng Pilipinas ang naturang estado kung makakaya ng pamahalaan.
Sa sandaling matanggap o maaprubahan ng DOJ ang Refugee application, ang Bureau of Immigration (BI) ang magpapatupad ng desisyon, at magpapalabas ng mga kailangang dokumento sa aplikante.