Nagpahayag din ng pakikiramay at kalungkutan sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senator Richard Gordon sa pagpanaw ng halos 50 sundalo makaraang bumagsak ang sinasakyan nilang C-130 military plane sa Patikul, Sulu kung saan 40 ang nasugatan.
Dahil dito ay muling iginiit ni Senator Zubiri ang kahalagahan na maisakatuparan agad ang aircraft modernization ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Zubiri, ito ay para mahinto na ang pagbubuwis ng buhay ng ating mga sundalo dahil sa palpak na mga kagamitan at air assets.
Kaugnay nito ay hiniling ni Zubiri sa Department of Budget and Management (DBM) na pondohan ang pagkakaroon ng Air Force ng mahuhusay na air assets para mapalitan na ang mga overused at luma nitong C-130 at iba pang kagamitan.
Bukod dito ay iminungkahi rin ni Zubiri na iangat ang kalidad training programs para military pilots.
Giit naman ni Senator Richard Gordon, ang malagim na aksidente ay patunay na dapat na tayong bumili ng C-130 planes at kailangan din ang mahusay na maintenance operations dito at tuluy-tuloy na training sa mga tropa ng militar.
Ipinunto pa ni Gordon na 7,641 ang mga isla ng Pilipinas pero tatlo lang ang C-130 at nawala pa ang isa.