Tiniyak ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 100 porsyento nilang suporta sa Commission on Elections (Comelec) para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Ang pagtitiyak ay ginawa ni Defense Secretary Gilbert Teodoro kasabay nang paglagda sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng DND, AFP at COMELEC Committee “Kontra Bigay”.
Layon ng kasunduan na mapalakas ang kampanya kontra pamimili ng boto at tuluyang wakasan ang impluwensya ng salapi sa prosesong demokratiko.
Aniya, ang vote buying ang siyang nagpo-pollute sa ating demokrasya kung kaya’t dapat mapanagot ang mga bumibili ng boto.
Samantala, lumagda din sa hiwalay na MOA si AFP Chief of staff Gen. Romeo Brawner sa Comelec para i-deputize ang sandatahang lakas sa layuning makamit ang orderly and peaceful barangay elections.
Tumanggap din ang AFP ng P40-M mula sa poll body bilang support funds para sa kanilang administrative, operational at logistical needs na gagamitin sa nalalapit na halalan.