Inihayag naman ngayon ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na makatitindig sa sariling paa ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police kahit walang ayuda mula sa Amerika.
Ayon kay Año, ang usapin sa tulong militar ng ibang bansa sa Pilipinas ay sakop ng Pangulo ng bansa at Department of Foreign Affairs.
Pero, idiniin nito na makatitindig sa sariling paa ang mga pulis at sundalo kahit walang ayuda mula sa US at hindi titigil ang mga ito sa pagprotekta sa mga mamamayan laban sa mga lawless element at komunistang grupo.
Una nang nanindigan ang AFP at PNP sa pagsasabing hindi makatarungan ang bintang ng isang mambabatas na Amerikano na sangkot ang militar at pulisya sa paglabag sa karapatang pantao.
Nabatid na inihain ni Pennsylvania Representative Susan Wild ang nasabing panukala bilang tugon sa pagpasa ng Kongreso ng Pilipinas ng Anti-Terror Law na sinasabi ng mga kritiko na gagamitin ng mga pwersa ng pamahalaan sa paglabag sa karapatang-pantao.