Magpapatupad ng security adjustment ang militar makaraang isailalim ng Commission On Elections (Comelec) sa hotspots ang buong Mindanao.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, naghihintay na lang sila ng “go signal” ng Comelec.
Aniya, nasa mga ground commanders na ang discretion kung paao ang magiging deployment ng mga sundalo.
Samantala, habang naghahanda ang militar sa nalalapit na halalan ay magpapatuloy pa rin ang opensiba ng AFP laban sa mga teroristang grupo partikular sa Sulu, Basilan, Central Mindanao, Davao At Surigao.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ni Spokesperson Col. Bernard Banac na magpapatupad din sila ng kaukulang security adjustment.
Kahapon nga nang ideklara ng Comelec ang buong Mindanao bilang “category red” election hotspots.
Ito’y dahil sa mga naitalang election-related incident sa nakalipas na dalawang halalan kasabay ng seryosong banta mula sa Abu Sayyaf Group, NPA, BIFF at “rougue elements” ng moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front.
Ang mga lugar na kabilang sa category red ay maaaring isailalim sa Comelec control anumang oras.