Tiniyak ni Philippine Army Commanding General Lieutenant General Roy Galido ang pagtutulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang seguridad sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ito’y kasunod ng desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na huwag ipagpaliban ang halalan sa rehiyon, sa kabila ng panawagan ng lima sa anim na Gobernador sa rehiyon at ng Police Regional Office (PRO) BAR.
Ito ang sentro ng Regional Joint Security Control Center meeting na dinaluhan ni COMELEC Chairman, Atty. George Erwin Garcia kasama sina: Philippine Army Vice Commander at incoming Western Mindanao Command (WESMINCOM) Commander Major General Steve Crespillo, 6th Infantry “Kampilan” Division at Joint Task Force Central Commander Major General Alex Rillera; mga opisyal ng PNP at BARMM at iba pang stakeholders.
Una nang sinabi ng PNP na pagtutuunan nila ng pansin ang BARMM maging ang Negros Oriental dahil na rin sa napaulat na ilang karahasan.