Maglulunsad na ang security forces ng intensified operations laban sa New People’s Army (NPA).
Ito ay makaraang mag-alok si Pangulong Rodrigo Duterte ng ₱2 milyon pabuya para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa mga commander ng communist group.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Archie Francisco Gamboa, ang paglalabas ng reward ng Presidente ay hudyat para sa kanila na paigtingin ang opensiba laban sa mga rebeldeng komunista.
Ipinag-utos na ni Gamboa ang lahat ng police units na magkasa ng all-out war laban sa mga rebelde na sinasamantala ang sitwasyon ng Coronavirus pandemic para magkasa ng gulo.
Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, Gen. Felimon Santos Jr., nagpapasalamat sila kay Pangulong Duterte sa paglalabas ng pabuya na makakatulong sa neutralization ng communist leaders.
Ang insentibong ito ay magpapalakas sa kasalukuyang rewards system ng militar.
Tiwala rin si Santos na matatapos ang limang-dekadang problema sa communist insurgency bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa 2022.
Hinimok ng AFP ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at sinigurong itatago ang kanilang pagkakakilanlan.