AFP at PNP, pinakikilos ni Sen. Bato dela Rosa ukol sa ulat na re-grouping ng teroristang grupo na Maute

Pinakikilos ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa ulat ng re-grouping at pagre-recruit ng mga miyembro ng Maute group na nanggulo sa Marawi City noong 2017.

Hiling ni Dela Rosa sa AFP at PNP na maging pro-active, huwag tutulog-tulog at umaksyon para hindi mabigla sakaling makapagpalakas at makapag-recruit ng mga bagong kasapi.

Pinaaaksyon din ni Dela Rosa sa lokal na pamahalaan ng Marawi ang pagtugon sa pangangailangan ng mga residente roon upang hindi na maengganyo na sumali sa teroristang grupo.


Ang reaksyon ng senador ay kaugnay na rin sa pahayag ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na naggugrupo-grupo ulit ang mga nanggulo sa Marawi City at may mga taga-Marawi ang nahihimok na sumali sa grupo dahil sa hindi natutupad ang mga pangako na makababalik sila sa kanilang tirahan sa Marawi.

Matatandaan sa nagdaang pagdinig sa Senado at inihayag ni NCMF Chief of Staff Atty. Manggay Guro na isa sa ikinakabahala nila ng mga kapatiran ng mga Muslim sa Mindanao ang request na temporary housing ng US para sa mga Afghan nationals dahil sa posibilidad na mabuhay ang mga sympathizers ng mga teroristang ISIS.

Facebook Comments