AFP at PNP, tuloy ang pagtugis sa iba pang miyembro ng NPA na sangkot sa pagpapasabog ng landmine sa Masbate na ikinasawi ng 2 indibidwal

Walang tigil ang pursuit operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) laban sa mga kriminal na nasa likod ng pagpatay kay Far Eastern University (FEU) football player Keith Absalon at pinsan nitong si Nolven sa Masbate.

Siniguro ni AFP Chief General Cirilito Sobejana na papanagutin nila ang mga New People’s Army nang sa ganun ay makamit ang hustisya.

Patuloy aniya ang pagtugis nila sa mga ito kasabay nang paghahanda nila ng pagsasampa ng kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 9851 o International Humanitarian Law dahil sa paggamit ng landmine.


Pinuri naman ni Sobejana ang mga tauhan ng Southern Luzon Command na nakapatay sa tatlong NPA terrorists na nakasagupa nila sa pursuit at law enforcement operations kahapon.

Kahapon ay inako na ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) ang nangyaring trahedya sa Masbate.

Facebook Comments