Umabot na sa 50 ang ang bilang ng mga nasugatan habang nananatili naman sa 4 ang naitalang nasawi sa nangyaring pagsabog sa loob ng Marawi State University (MSU) kaninang umaga.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) 1st Infantry Division Commander, MGen. Gabriel Viray III, nagsasagawa umano ng misa sa loob ng MSU nang mangyari ang pagsabog kanina.
Kung saan nasa 42 sa mga sugatan ay dinala sa Amai Pakpak Hospital habang nasa MSU Hospital naman ang 8 iba pa.
Aniya, isa sa mga tinitingnan ngayon ang posibleng paghihiganti ng grupong Daulah Islamiyah dahil sa ang 11 miyembro nito ang napatay matapos makipagbakbakan sa militar noong isang araw.
Samantala, patuloy naman nang sinusuri ng Explosives and Ordinance Division (EOD) ng Philippine National Police (PNP) ang pinangyarihan ng pagsabog upang matukoy kung anong bomba ang ginamit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente.