AFP, binalaan ang publiko sa maling impormasyon na kumakalat online patungkol sa pagpwersa umano ng Estados Unidos kay Pangulong Marcos Jr. na kanselahin ang pagbili ng helicopter sa Russia

Binalaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang publiko patungkol sa kumakalat na maling impormasyon online patungkol sa pagpwersa umano ng Estados Unidos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kanselahin ang pagbili ng Mi-17 helicopter mula sa Russia.

Paglilinaw ng AFP na ang proyekto para kumuha ng nasabing helicopter ay kinansela noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay nangyari sa pamamagitan ng letter of termination na nilagdaan ng dating secretary ng National Defense na si Delfin Lorenzana.

Ayon pa sa AFP, ang kanselasyon ng pagbili ng nasabing helicopter ay inihinto dahil sa security at geopolitical situation, partikular na noong sumiklab ang gulo sa Ukraine noong Pebrero 24,2022.

Dagdag pa nila, ang nasabing desisyon na ito ay praktikal at may seguridad na konsiderasyon .

Hinimok naman muli ng AFP ang publiko na magrely lamang sa mga beripikadong government sources para sa tama at responsableng impormasyon.

Tiniyak din ng ahensya ang kanilang paninindigan sa transparency, katotohanan, at paglaban sa anumang uri ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan o magpahina ng kumpyansa sa mga institusyon.

Facebook Comments