Walang nakikitang mali si Senator Ronald Bato Dela Rosa sa pagsulat ni AFP Chief of Staff General Felimon Santos sa Chinese embassy para makabili ng gamot kontra COVID-19 na ibibigay sana sa mga kaibigan na tinamaan din ng virus.
Ayon kay Dela Rosa, kung sya ang nasa katayuan ni General Santos ay malamang na gawin din niya ang ginawa nito.
ipinaliwanag ni Dela Rosa, na sa panahon ng krisis ay kailangang maging praktikal para mabuhay lalo na at wala pang gamot laban sa COVID-19.
Para naman kay Senator Panfilo Ping Lacson, ang pagbawi ni General Santos sa kanyang request sa Chinese embassy ay malinaw na pag-amin na may mali sa kanyang hakbang.
Pero giit ni Lacson, nagsalita na si Defense Secretary Delfin Lorenzana at maging ang Malacanang sa isyu kaya wala ng magagawa ang mga bumabatikos kay general santos kahit maglupasay pa ang mga ito.
Iginiit ni Lacson, na hindi mapapalitan si Santos ng mga kritiko dahil hindi naman sila ang nagtalaga at pwedeng magtanggal sa kanya sa puwesto.