Dumalaw sa burol ng anim na nasawing sundalo si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.
Ang anim na sundalo ay namatay matapos makasagupa ang teroristang grupo na Dawlah Islamiyah-Maute Group sa Munai, Lanao del Sur nitong February 18.
Inilagak kahapon ang mga labi ng sundalo sa headquarters ng 1st Infantry Division sa Zamboanga del Sur kung saan mayroon ding isinasagawang prayer vigil para sa mga ito.
Nakipag-usap din si Gen. Brawner sa naulilang pamilya ng anim na sundalo at personal na nagpaabot ng kanyang pakikiramay.
Maliban sa financial assistance, nangako rin si Brawner na tutulungan niya ang mga anak o kapatid ng mga yumaong sundalo na makapasok sa military service.
Una nang nangako ang liderato ng AFP na ibibigay ang lahat ng tulong sa apat na sundalo na sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa Camp Evangelista Station Hospital sa Patag, Cagayan de Oro City.
Sa nasabing engkwentro, tatlong kasapi ng Dawlah Islamiyah ang nasawi kung saan nagpapatuloy ang hot pursuit operations ng tropa ng militar sa iba pang kasamahan ng grupo.