AFP Chief of Staff, mariing tinuligsa ang agresibong aksyon ng China sa WPS

FILE PHOTO

Tahasang kinokondena ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., ang agresibong aksyon ng China Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea na dahilan ng malubhang pagkasugat ng isang Philippine Navy personnel.

Ayon kay Gen. Brawner, walang karapatan o ligal na awtoridad ang CCG na makialam sa mga lehitimong operasyon ng Pilipinas at sirain ang mga asset ng bansa sa loob mismo ng ating exclusive economic zone (EEZ).

Aniya, ang mga gawain na ito ng China ay isang tahasang paglabag sa international maritime law at maituturing na paglabag sa sovereign rights at soberanya ng Pilipinas.


Bukod dito ay hindi rin lamang aniya ito maituturing na paglabag sa maritime rights ng bansa sapagkat ito rin aniya ay nagdudulot ng malaking banta sa katatagan ng buong Indo-Pacific Region.

Gayunpaman muling tiniyak ni Brawner na nananatiling nakatuon ang buong Hukbong Sandatahan sa pagtataguyod sa rule of law kasabay ng patuloy na pakikipagtulungan sa international partners ng Pilipinas upang matiyak ang kapayapaan at katatagan sa buong rehiyon.

Samantala, ngayong umaga ay nakatakdang magtungo si Brawner sa Puerto Princesa, Palawan upang personal na bisitahin at kumustahin ang mga tropa ng militar na biktima ng panghaharass ng China sa WPS.

Facebook Comments