Bukas, August 30, ay nakatakdang sumalang sa Bicameral Commission on Appointments o CA si Armed Forces of the Philippines o AFP Chief-of-Staff Romeo Brawner para sa ranggo nitong four-star general.
Inihayag ito ni CA Assistant Minority Leader at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.
Ayon kay Pimentel, ang confirmation hearing para sa ad interim appointment kay Brawner ay isasagawa ng CA committee on national defense na pinamumunuan ni Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo.
Si Brawner ay itinalaga ni President Ferdinand Marcos Jr., bilang ika-60 hepe ng AFP noong July 21, kapalit ni retired General Andres Centino na nagsisilbi ngayon bilang Presidential Adviser on the West Philippine Sea.
Bukod kay Brawner ay haharap din bukas sa CA hearing ang 29 senior military officers na na-promote sa rango na mula colonel hangang major general.