“Let justice take its course.”
Ito umano ang paalala ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Felimon Santos Jr. sa mga sundalo kasunod ng pagkakapatay ng mga pulis sa apat nilang kabaro sa isang shooting incident sa Jolo, Sulu.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, sinabihan ni Santos ang mga sundalo na huwag maghihiganti at hayaang gumulong ang imbestigasyon.
Sa halip, inatasan nito ang mga sundalo na tutukan ang kanilang mga operasyon laban sa kriminalidad at terorismo.
Una nang umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo na manatiling kalmado matapos ang insidente.
Mula sa naunang pahayag na ‘misencounter’, tinawag na ‘shooting incident’ ng Philippine National Police (PNP) ang nangyari sa Jolo.
Pero para kay Philippine Army chief Lieutenant General Gilbert Gapay, maituturing itong murder.
Samantala, sa programang Biserbisyong Leni sa RMN, nanawagan si Vice President Leni Robredo sa otoridad na tiyaking mapapanagot ang dapat na managot sa insidente.
“Siguraduhin na yung mga konti na mga miyembro ng institusyon na nakakasira, panagutin. Kung ito hindi pananagutin, halimbawa yung sa drug war, malaki yung casualty sa institusyon kasi hindi pa napapanagot yung lahat na dapat managot. Dito sa laban, dito sa Sulu, mahalaga ito kasi dalawang institusyon ng pamahalaan na dapat sana magkakampi, bakit nangyayari itong ganitong pangyayari,” ani Robredo.