AFP, dadalasan ang pagpapatrolya sa West PH Sea

Nangako ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na palalakasin ang kanilang maritime patrols sa West Philippines Sea.

Ito ay matapos mapaulat na nasa 240 Chinese vessels ang namamalagi sa pinagtatalunang karagatan.

Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, nakikipagtulungan na sila sa Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at Maritime Group ng Philippine National Police (PNP) para magpatrolya sa nasabing karagatan.


“Kung hindi humihinto ang Tsina sa kanyang ginagawang illegal na pangingisda, kasi sabi nila fishing vessels sila, doon sa ating exclusive economic zone na meron tayong tinatawag na exclusive economic right, ay hindi rin po titigil ang inyong armed forces sa ating ginagawang pagpapatrol,” sabi ni Arevalo sa isang radio interview.

Nanindigan din ang AFP ay hindi sila kakasa sa giyera lalo na at magiging paglabag ito sa Konstitusyon.

“Kung ang Armed Forces ang tatanungin ay meron din po tayo syempreng limitasyon kagaya ng ating konstitusyon. Sinasabi sa ating Constitution, we renounce war as an instrument of national policy,” ani Arevalo.

Dagdag pa ni Arevalo, kung ang Philippine Navy ay nagpadala ng warship o ang Philippine Airforce ay nagpalipad ng fighter plane sa West Philippines Sea, baka magkaroon lamang ito ng maling interpretasyon sa China.

Mahalaga rin aniya ang tulong ng media para itaas ang kamalayan ng publiko sa sitwasyon.

“Hindi po kasi natin pwedeng maliitin ‘yung mga reports na gaya nito, mga larawan at video na ating nakikita sapagkat ito po ang ating mata at tenga eh, araw at gabi,” ani Arevalo.

Aminado ang AFP na hindi sapat ang kanilang military assets at manpower para mabantayan ng buo ang West Philippines Sea.

Gayumpaman, pagtitiyak ng Sandatahang Lakas sa mga Pilipinong mangingisda na ligtas pa ring makapangisda sa West Philippines Sea dahil sisiguraduhin nilang sila ay mapoprotektahan ng maritime patrols.

Facebook Comments