AFP: Estados Unidos, patuloy na susuporta sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal

Tiniyak ng Estados Unidos ang kanilang kakahandaan na suportahan ang regular na resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., nakapag-usap sila sa telepono ni US Chairman of the Joint Chiefs of Staff General Charles Brown Jr.

Paliwanag pa ni Gen. Brawner, napag-usapan nila ni General Brown ang huling insidente sa Ayungin Shoal kung saan personal niyang naranasan ang illegal at mapanganib na pagkilos ng mga barko ng China kontra sa mga resupply boat ng Pilipinas.


Nilinaw naman ni Gen. Brawner na hindi magsisilbing escort ang Estados Unidos, bagkus ay tutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa tuwing may resupply mission.

Una na ring sinabi ni Gen. Brawner na hindi pa maaring i-invoke ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos sa pagkakataon na may armadong pag-atake sa mga barko ng Pilipinas dahil nag-iingat din ang China at gumagamit lang ng “Grey-Zone” Tactics sa WPS.

Facebook Comments