AFP, gustong isailalim sa kanilang kustodiya si Abu Sayyaf Leader Abduljihad Susukan

Nais ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ilagay sa kanilang kustodiya ang Abu Sayaff Sub-Commander na si Abduljihad “Idang” Susukan.

Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, ang military at ang Philippine National Police (PNP) ay nagkasundong ilipat si Susukan mula sa National Police Headquarters sa Camp Crame, kung saan siya pansamantalang nakakulong patungo sa Camp Aguinaldo.

Sinabi ni Arevalo, ikinokonsidera si Susukan bilang high value individual kaya ang AFP sa pamamagitan ng The Judge Advocate General at ang Philippine National Police (PNP) Intelligence Group ay maghahain sa korte ng Joint Motion to Transfer Custody.


Hinihintay pa rin ng AFP at PNP ang desisyon ng korte.

Binigyang diin ni Arevalo na dapat mapanagot si Susukan sa lahat ng krimeng inaakusa sa kaniya.

Si Susukan ay nahaharap sa 23 counts ng murder, five counts ng kidnapping at serious illegal detention, at six counts ng frustrated murder.

Ang ‘bola’ ay nasa Department of Justice (DOJ) para sa prosecution ng mga kaso.

Tumanggi namang magkomento si Arevalo kung may posibilidad na mabigyan ng amnestiya si Susukan.

Facebook Comments