Handang makipag-ugnayan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Senator Imee Marcos kasunod ng pahayag nito na may nakatutok na Chinese hypersonic missiles sa dalawampu’t limang lugar sa bansa.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Francel Padilla na pinapahalagahan nila ang ganitong klase ng impormasyon dahil usapin ito ng pambansang seguridad.
Umaasa naman si Padilla na magiging bukas sa pakikipag-usap ang senadora para sa karagdagang detalye ng naging pahayag nito.
“Itong mga ganitong mga usapin, we take this seriously sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Dahil ito ay usapin ng pambansang seguridad, naiintindihan namin na kailangan namin na pahalagahan ito that’s why tutugunan itong potential na banta na ito. Nais namin makipag-ugnayan kay Senator Imee Marcos para makakuha ng karagdagang detalye tungkol sa kanyang mga pahayag.”
Tiniyak naman ni Padilla na tutugunan nila ang usapin at magsasagawa ng angkop na hakbang para mapanatili ang seguridad ng bansa.
“Rest assured that we will be doing our jobs, our intel units are looking at all of this information. And if there is such a need sa mga kababayan na maghanda, we will be giving the necessary information sa ating official channels. Ang Armed Forces of the Philippines ay mananatiling tapat sa pagtatanggol ng bansa at ating mamamayan. Patuloy kami na magbabantay at tutugon sa anumang banta sa ating soberanya.”