
Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa emergency at sakuna ngayong panahon ng tag-ulan.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, matatag ang commitment ng militar hindi lamang sa pagtatanggol ng bansa, kundi sa pagbibigay ng mabilis at maagap na humanitarian assistance at disaster response sa mga apektadong komunidad.
Sinabi ni Padilla na magtutulungan ang iba’t ibang unit ng AFP, kasama ang mga task force at partner agencies, para matiyak ang maayos, mabilis at epektibong aksyon sa gitna ng sakuna.
Aniya, bahagi ng paghahanda ng Sandatahang Lakas ang regular na pagsasanay ng mga sundalo, pre-positioning ng mga kagamitan sa mga high-risk area, at pagpapalakas ng kanilang logistical capabilities upang makapagserbisyo saan man at kailanman ito kailangan.









