Walang ipatutupad na ceasefire ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) ngayong Christmas season.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, hindi na sila magdedeklara pa ng tigil putukan sa NPA dahil marami sa mga lider nito ang na-nutralisa na ng tropa ng militar.
Sinabi pa ni Aguilar na limang aktibong guerilla fronts na lamang ang mayroon ang NPA at marami na rin sa kanilang mga myembro ang nagbalik-loob na sa pamahalaan.
Kaugnay nito, nasa pamunuan na ng AFP kung magdedeklara sila ng suspension of military operations (SOMO).
Posible aniyang magdeklara ng SOMO pero papanatilihin ang active defense ng AFP lalo’t higit sa mga lugar na mahina na ang insurhensya.
Kasunod nito, umaasa ang pamunuan ng AFP na ang maging new year’s resolution ng mga rebelde ay iwanan na ang armadong pakikibaka, magbalik-loob sa pamahalaan upang makapamuhay ng normal kasama ang kanilang mga pamilya.