Manila, Philippines – Hindi na magtatakda ng deadline ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para tapusin ang paghahasik ng terorismo ng Maute Group sa Marawi City.
Ito’y matapos mabigo silang matupad ang self-imposed deadline nito noong araw ng kalayaan para sa ‘liberation’ ng Marawi.
Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, nahihirapan silang tuluyang masugpo ang Maute Group dahil na rin sa mga sibilyan na naroroon sa apat na barangay sa Marawi City kung saan nagkukuta ang terorista.
Mahigit tatlong linggo na ang kaguluhan sa Marawi City matapos lusubin ito ng Maute noong Mayo 22 na naging basehan para ideklara ni Pangulong Duterte ang martial law sa buong Mindanao.
Giit pa ni Padilla na kung ang labanang ito ay nangyari sa kabundukan ay mas madali nilang matatalo ang Maute dahil walang madadamay na sibilyan kapag hinulugan nila ng bomba at pinulbos ng air strikes.
DZXL558