AFP, hinikayat ang mga naging biktima ng human rights violations ng NPA na magsampa ng kaso

Hinimok ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga naging biktima ng human rights violation ng New People’s Army (NPA) na magsampa ng kaso.

Ayon kay Major General Edgardo de Leon, Deputy Chief of Staff for Operations o J3, na lahat ng sibilyan partikular ang mga negosyante na biktima ng humanitarian crimes ng NPA na maghain ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR).

Ang panawagan ay ginawa ni De Leon kasabay ng pag-alala sa ika-32 anniversary ng Rano Massacre na nangyari noong taong 1989 kung saan on-the-spot nang pinatay ng NPA ang 39 na indibidwal kabilang na ang 22 mga bata, 10 kababaihan at pitong kalalakihan sa Sitio Ranao Digos, Davao Del Sur.


Sinabi pa ni De Leon, ngayong buwan lamang ng June, kabuuang 10 insidente ng paglabag sa International Humanitarian Law ang nagawa ng Communist Terrorist Groups na naitala ng AFP.

Ayon naman kay AFP Center for the Law on Armed Conflict (AFPCLOAC) Director Brig. Gen. Joel Alejandro Nacnac dahil sa patuloy na pag-atake ng NPA, kabuuang 532 insidente ng  paninira ng mga private property ang kanilang naitala mula taong 2010 hanggang 2020.

Kaya naman maging si AFP Chief of Staff, General Cirilito Sobejana ay hinihikayat ang lahat na makiisa sa whole of nation approach para sa pagsulong ng kapayapaan at pag-unlad ng bansa.

Facebook Comments