Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na umayon sa itinatakbo ng panahon o maging mas mabilis sa pakikipag partner at alyansa.
Ito ay sa harap na rin ng pagiging kumplikado na ngayon ng pandaigdigang sitwasyon.
Ang pahayag ay ginawa ng presidente sa ginanap na oath taking ceremony ng mga heneral at flag officers ng AFP sa Malacañang kahapon.
Sinabi ng pangulo, dapat maging mabilis ang pagtugon ng mga sundalo hindi lamang sa larangang pang militar kundi sa pakikipag-diplomasya at geopolitical negotiations sa mga kaibigan at kaalyado ng bansa sa buong mundo.
Nais kasi ng pangulo na palakasin pa ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, partners, at iba pang stakeholders upang mapangalagaan at maisulong ang pambansang interest sa harap ng mga tensyon at hamon sa rehiyon.
Giit ng pangulo, nagbago na ang papel ng AFP at ng mga kumander nito kaya dapat aniya silang sumabay sa takbo ng sitwasyon.
Kahit ang paraan aniya ngayon ng pakikipaglaban ay naging mas kumplikado na gamit ang mga makabagong teknolohiya.