Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tama ang hakbang ng pamahalaan na makipag-alyansa sa ibang bansa.
Ito ay matapos ang pahayag ng Tsina na lumalabag ang Pilipinas sa kanilang sovereignty dahil isinama ng Pilipinas ang ibang mga bansa para sumali sa isyu na nakakaapekto umano sa stability ng rehiyon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, alam na nang maraming bansa na tama ang ipinaglalaban ng Pilipinas at ang pakikipag-alyansa aniya sa ibang mga bansa ay pagpapalakas sa international law partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na tanging paraan para maresolba nang mapayapa ang maritime disputes.
Nilinaw naman ni Aguilar na hindi Pilipinas ang nagsimula ng gulo, giit ng opisyal sumusunod ang Pilipinas sa international law at ipinatutupad ang domestic law na ang ibig sabihin kung saan abot ang exclusive economic zone (EEZ) ng bansa ay obligasyon ng bansa na panatilihing malinis ang kapaligiran at ligtas sa paglalayag nang anumang bansa ang lugar.
Sumusunod din anya ang Pilipinas sa batas patungkol sa mga ginagawang aktibidad sa West Philippine Sea, hindi aniya gumagawa nang anumang aktibidad ang Pilipinas na maglalagay sa panganib sa mga manlalayag.
Hindi aniya gaya ng Tsina na nagsasagawa shadowing, dangerous maneuvers, gumagamit ng water cannon na nagreresulta minsan ng banggan sa karagatan na malinaw na paglabag sa international law.