Ipinagtanggol ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang pinuno na si AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos Jr.
Kasunod na rin ito ng isyu na paghingi ni Santos ng tulong kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xillian para makabili mula China ng hindi rehistradong gamot para sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa interview ng RMN Manila, binigyan diin ni AFP Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo na walang nilabag na protocol o regulasyon ang kanilang pinuno sa ginawa nitong pagsulat sa Chinese Ambassador para makabili ng Carrimycin tablets, na ginagamit sa paggamot ng mga pasyenteng may COVID-19 at mabibili lamang sa China.
Ayon kay Arevalo, ang hakbang ni Gen. Santos ay “in good faith” at nais niya lang ibahagi sa kanyang kaibigan ang nakapagpagaling sa kanya ng ito ay dapuan ng COVID-19.
Giit pa ng opisyal, agad namang binawi ni Santos ang kanyang sulat matapos na malaman na hindi rehistrado ng Food and Drugs Administration (FDA) ang nasabing gamot.
Una nang sinabi ni Department of National Defense Sec. Delfin Lorenzana na wala siyang nakikitang mali sa ginawang at hindi rin nito nilagay sa panganib ang seguridad ng bansa.