
Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kumakalat online na maling impormasyon na umano’y gawa-gawa lamang ng mga Pilipinong mangingisda ang insidenteng naganap sa Escoda Shoal.
Ayon sa naturang post, hindi umano totoo ang ulat na may nasugatang mga Pilipinong mangingisda at iginiit pa na sila raw ang unang sumalakay sa China Coast Guard.
Pinabulaanan ito ng AFP at iginiit na mali at hindi tugma sa aktuwal na pangyayari ang nasabing naratibo, lalo’t malinaw na ang mga sangkot ay hindi armadong civilian fishing vessels na nagsasagawa lamang ng legal na pangingisda sa West Philippine Sea.
Dagdag ng AFP, ang mga Filipino fishing boat ay nagsasagawa lamang ng lawful livelihood activities nang sila ay i-water cannon, harangan sa pamamagitan ng mapanganib na blocking maneuvers, at isailalim sa iba pang hostile actions ng Chinese Coast Guard vessel.
Binigyang-diin pa ng ahensya na may karapatan ang mga Pilipinong mangingisda na maglayag at mangisda sa nasabing lugar dahil ito ay nasa loob ng 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Tiniyak naman ng AFP na patuloy nilang poprotektahan ang mga Pilipino at ang nasasakupang karagatan ng bansa, alinsunod sa international law at sa soberanya ng Pilipinas.









