
Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang maling alegasyon ng Karapatan Southern Tagalog kaugnay ng engkuwentro ng militar at New People’s Army (NPA) sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong January 1.
Ayon sa AFP, lehitimo ang isinagawang operasyon at ito ay isang intelligence-driven mission laban sa mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG).
Sa inilabas na pahayag ng hukbong sandatahan, nilinaw na ang air support na nakita sa operasyon ay ginamit lamang upang tiyakin ang proteksyon ng mga tropang nasa ground, alinsunod sa umiiral na Rules of Engagement at may malinaw na konsiderasyon sa kaligtasan ng mga sibilyan.
Binigyang-diin din ng AFP na walang komunidad ang naging target ng nasabing air support.
Ibinida rin ng ahensya ang pagkakakumpiska ng mga anti-personnel mines at granada sa lugar noong December 31, na ayon dito ay patunay na patuloy pa ring naghahanda ng armas ang mga CTG sa kabila ng mga pahayag hinggil sa tigil-putukan.
Matatandaang hindi tinanggap ng AFP ang inanunsyong ceasefire ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong holiday season.










