Binigyang linaw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr., na hindi konektado sa isa’t isa ang ginagawang pagsasanay ng Estados Unidos, Australia at Japan sa Pilipinas.
Ayon kay Brawner, nagkasabay-sabay lamang ang tatlong malalaking barkong pandigma ng US, Japan at Australia na nasa bansa.
Paliwanag nito, ang warship ng Japan na Izumo ay nandito para mag-port call at mag-resupply habang ang Royal Australian Navy na HMAS Canberra ay kalahok naman sa bilateral exercise ng Pilipinas at Australia na “ALON 2023” at ang US Warship na USS Amerika ay andito sa bansa para lamang magbantay.
Pinabulaanan din ni Brawner na magsasagawa ng joint navy drill ang tatlong nabanggit na mga bansa sa South China Sea dahil sa pinakahuling insidente nang pambu-bully ng China sa Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ang US, Japan at Australia ang ilan lamang sa mga bansang agad na nagpahayag ng suporta sa Pilipinas matapos bombahin ng tubig ng Chinese Coast Guard ang Philippine Coast Guard na magdadala sana noon ng mga pagkain at tubig sa mga sundalong nakaposte sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.