Dumistansya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may hawak silang impormasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa umano’y paggamit nito ng iligal na droga.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad hindi nila mandato ang pagmo-monitor ng mga indibidwal sa labas ng militar na may kaugnayan sa iligal na droga.
Aniya, ang tanging concern lang ng AFP ay ang pagsasagawa ng regular na pag-check sa kanilang mga tauhan para masigurong drug-free ang militar.
Ang pagmo-monitor ng mga indibidwal na sangkot o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ay trabaho na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) maging ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi pa nito na non-partisan ang AFP at nananatiling tapat sa kanilang mandato na tapusin ang lokal na insurhensya upang mas matutukan ang panlabas na depensa ng bansa.