Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang kawani ng Philippine Navy ang nagtamo ng ‘severe injury’ matapos ang intentional high-speed ramming ng Chinese Coast Guard sa isinagawang Rotation and Resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kahapon June 17, 2024.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang nasabing injured personnel ay ligtas na naalis sa lugar at agad binigyan ng atensyong medikal.
Sinabi pa nito na ang patuloy na aggressive behavior ng China at ang paghaharang sa ating humanitarian mission ay hindi katanggap-tanggap.
Dapat na aniyang tigilan ng China ang ganitong hakbang upang maiwasang lumala ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Kasunod nito nananatili aniyang committed ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa WPS alinsunod sa international law.