Ilang araw bago ang araw ng eleksyon lilipat na ang Armed Forces of the Philippines sa Election mode mula sa Combat mode.
Ito ang inihayag ni AFP chief General Benjamin Madrigal makaraang pangunahan kasama si PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde ang send-off ceremony sa Camp Aguinaldo kaninang umaga para sa mga tropa ng AFP at PNP na idedeploy sa eleksyon.
Ayon kay Madrigal, magiging prioridad ng AFP ang pag-secure sa eleksyon at second priority na muna ang internal security operations.
Pero hindi aniya ito nangangahulugan na ititigil ng AFP ang mga operasyon laban sa New Peoples Army at iba pang local terrorist groups at mga Private armed groups.
Patuloy parin aniyang babantayan ng AFP ang mga ito, pero ang focus ay para hindi makapanggulo ang mga ito sa halalan.
Sa Panig naman ng PNP, sinabi ni General Albayalde na naka-full alert na ang PNP para sa halalan sa lunes.
Aniya 100-libong pulis ang idedeploy sa 36 na libong polling centers nationwide, kung saan hindi bababa sa 2 pulis ang naka-assign sa bawat polling center.
Para sa mga polling centers sa critical areas sa mindanao aniya, naka standby ang mga quick reaction teams ng AFP para umalalay sa mga pulis, habang mga quick reaction teams naman ng PNP mobile forces ang naka standby sa Luzon at Visayas.