Sasanayin ng militar ang isandaan at dalawampung mga bagong Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).
Ito ay para mabigyan ng mahigpit na seguridad sa gagawing Kaliwa Dam project sa Tanay, Rizal na bahagi ng Build, Build, Build Program ng gobyerno.
Ayon kay Lieutenant General Gilbert Gapay, commander ng Southern Luzon Command sa isinagawang Joint AFP-PNP Security Command Conference sa Kampo Crame kahapon sasanayin nila ang mga bagong CAFGU upang maging karagdagang puwersa sa regular forces.
Titiyaking aniya nilang hindi masasabotahe ang pagtatayo ng nasabing proyekto na mariing pigilan ng oposisyon at mga kritiko ng administrasyon partikular na ng CPP-NPA na madalas masangkot sa panununog ng mga construction equipment at pagpatay sa mga manggagawa.
Sinabi pa ni Gapay, maaring sanayin para magbantay ang mga dating rebelde na nagbalik-loob na sa pamahalaan na nais pa ring maglingkod.
Pero, nilinaw ni Gapay na ang mga tatanggapin nilang mga dating rebelde ay kinakailangang dumaan sa masusing pagsasala depende sa kung papasa ang mga ito sa mga panuntunang itinakda ng AFP.