Inanunsyo ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines o AFP na magdadagdag ng pwersa ang militar para tumulong sa pagbibigay seguridad sa Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, magpapakalat ang hindi pa binabanggit na bilang ng mga sundalo sa prusisyon ng imahe ng Poong Hesus Nazareno.
Paliwanag pa ni Col. Trinidad na nakikipag-ugnayan na sila sa ibang law enforcement agencies ang Joint Task Force NCR ng AFP para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa tradisyon ng mga namamanata ng Poong Hesus Nazareno.
Matatandaan na una nang ini-report ng NCRPO na mahigit 12 libong pulis ang ipakakalat sa kasagsagan ng Kapistahan, habang mahigit dalawang libo naman ang suporta mula sa partner nitong mga ahensya.
Tiniyak naman ni Trinidad na ginagawa ng AFP ang lahat ng makakaya nito para masiguro ang seguridad sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno.