Ipapakalat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang mga sundalo na nakatalaga sa non-combat operations sa darating na eleksyon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Jorry Baclor, kukuha sila ng mga tauhan mula sa iba’t ibang headquarters ng AFP para sa election duty.
Aniya ito ay para hindi makasagabal sa trabaho ng mga sundalo na kasalukuyang naka-assign sa Internal Security at Law enforcement Operations, katuwang ang Philippine National Police (PNP).
Sinabi ng opisyal na ito ay pagtalima sa Commission on Elections (COMELEC) resolution 10470 na nag-deputize sa AFP bilang isa sa mga ahensyang responsable sa pagtiyak ng malaya, maayos, tapat, mapayapa at mapapagkatiwalaang halalan.
Paliwanag ni Baclor, ang mga sundalong bibigyan ng election duty ay magsisilbing seguridad sa polling places, voting centers, canvassing centers, at election paraphernalia, kasama na ang pagiging security personnel sa awtorisadong COMELEC representatives.
Kasabay nito, siniguro rin ng AFP ang availability ng kanilang land, air, at water-craft assets, communication systems, at iba pang kagamitan na pang suporta sa logistical requirements ng COMELEC, lalu na sa mga liblib na lugar.