Nakipag-ugnayan na ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Zambales government para makapagbigay ng tulong sa mga mangingisdang maaapektuhan ng ‘no sail zone’ policy kasabay ng Balikatan exercises.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, tutulungan ng pamahalaan ang mga mangingisdang mawawalan pansamantala ng hanapbuhay habang idinadaos ang Balikatan exercises.
Kabilang sa mga apektado ay ang coastal towns ng Zambales kasama ang San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabangan, at Botolan.
Ani Aguilar, ang pansamantalang abala sa mga mangingisda ay magdudulot kalaunan ng kaginhawaan sa mga ito maging sa buong bansa dahil sa pamamagitan ng mga ganitong pagsasanay ay mapoprotektahan ang ating territorial waters at ang traditional fishing grounds.
Matatandaang kinondena ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang nasabing ‘no-sail zone’ policy habang idinaraos ang Balikatan exercise dahil mawawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda.
Ang 38th PH-US Balikatan exercise ay ang pinakamalaking pagsasanay sa pagitan ng dalawang bansa na layong mapaghusay ang interoperability ng Pilipinas at Estados Unidos bilang magkaalyadong bansa.