Magtatayo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) defense facility sa Fuga Island na bahagi ng Babuyan Archipelago.
Ito ang inihayag ni Northern Luzon Command (NOLCOM) Spokesperson Major Ericson Bulusan.
Aniya, ang mga itatayong defense facility ay ang sheltered pier, naval station at 20 ektaryang littoral monitoring station para mabantayan ng husto ang hilagang teritoryo ng bansa.
Nitong nakaraang linggo ay nakumpleto na ng NOLCOM sa pamamagitan ng Naval Forces Northern Luzon (NFNL) ang marine detachment at itinaas ang bandila ng Pilipinas.
Pinangunahan ni Col. Simplitius Adecer PN(M), ang Deputy Commander for Marine Operations ng NFNL, at Commander ng Naval Task Force 12 (NTF 12) ang seremonya.
Napaka-importante ng Fuga Island sa Pilipinas dahil sa air strip nito at lokasyon na malapit sa optic fiber cables sa karagatan na ginagamit sa internet at komunikasyon na nag-uugnay sa Pilipinas sa Mainland Asia.
Sa ngayon, patuloy rin ang pagtatayo ng NOLCOM kasama ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mga flag marker at light house sa mga isla ng Cagayan, Batanes at Babuyan Group of Islands para mas mabantayan ang maritime at sovereign territory ng bansa.